Wednesday, August 24, 2016

Hele

Singhot.
Hikbi.
Luha nanaman ang maghehele sayo
Ngayong gabi.

Unan sa ulo mo ang karamay.
Syang sumalo, sumasalo at sasalo sa balde-baldeng sama ng loob.
Sama ng loob na pumatak, pumapatak
At papatak pa.

Unang saksi sa pait at saklap na iyong
Nadarama.

Ilang beses na nga ba?
Sa sobrang dami, nawala ka na sa bilang.
Pero andyan ka parin.
Yakap ang unan mo.

Ilang gabi ka na bang hindi nakatulog?
Isang daang gabi?
Isang libo?
Hindi. Hindi mabibilang ang gabing paghikbi
Ang nagkanlong sayo.

Maraming ulit.
Paulit ulit.
Paikot ikot ka nang sinaktan.
Binalewala.
Iniwan.
Di inaruga.
Niloko.
Nilinlang.
Pinalabas na baliw.
Pinalabas na masama magisip.
Pinalabas na hindi kuntento.
Pinalabas na mapaghanap.
Sinigawan.
Ipinahiya.
Minura.
Tinalikuran.
Kinalimutan.

Ganun karaming beses ka ring humagulgol.
Lumuha ng tahimik.
Nakiusap.
Nagmaka-awa.
Pero hindi pinakinggan.

Pero andyan ka parin.
Yakap ang iyong unan.
Umiyak.
Umiiyak.
Iiyak.

Naghintay.
Naghihintay.
Maghihintay ng panahong diringgin ang panaghoy.

Pagod ka na.
Pero hindi ka sumuko.
Hindi ka sumusuko.
At hindi ka susuko.

Nakiusap sa may kapal.
Kung maari ka nyang bagsakan ng time machine para makabalik sa panahon
Kung kailan alam mo pa ang halaga mo.

Dahil ngayon, wala ka na.
Wala ka na sa sarili mo.

Nalimutan mo na ang sarili mong halaga.
Nabulag sa sobrang pagmamahal sa isang taong hindi magawang pahalagahan ang oras mo.
Ang damdamin mo.
Ang mga ginagawa mo.
Ang pagmamahal mo.

Alam nyang lumuluha ka.
Mahimbing syang nakakatulog.

Alam nyang nasasaktan ka.
Habang mapayapa syang nahihimbing.

Hihingi sya ng tawad kinabukasan.
Tawad sa pananakit sayo na hindi nya rin naman naiintindihan.

Kaya babalik ka ulit.
Sa punto na wala kang ibang kakapitan kundi ang unan mong lunod na lunod na sa luha at sama ng loob.

Hindi nya masabing napaka-tanga mo.
Sa paulit ulit na pagbibigay ng pagkakataon.
Sa tao na matagal mo nang dapat isinuko.
Sa tao na mula noon hanggang ngayon ay hindi parin alam ang tunay mong halaga.
Sa taong hindi batid, kung gaano mo sya kamahal na umabot ka sa punto na iniwan mo na ang iyong sarili sa nakalipas.
Dahil sya ang pinili mo.

Maraming beses ka nang nakiusap.
Nagmaka-awa.
Ginawa mo na ang lahat ng iyong magagawa.
Hindi mo na maidilat ang namumugto mong mga mata kaya hindi ka na makakita.
Tumulo na lahat, pati sipon.
Hindi ka na makahinga.
Pagod na ang puso mong maghintay.
Mangarap.
Umasam.
Na darating ang araw na makikita nya ang halaga mo.

Bukas, Umaga na.
Oras na para gumising ka.
Ibilad mo na ang unan sa labas.
Marami pa syang luhang sasahurin sa mga darating na gabi.

No comments:

Post a Comment