Tuesday, April 7, 2015

Sino ang tunay na Baliw?

#sa bawat hakbang: isang masustansyang hapon sa piling ni Mang Ben

October 27, 2012 at 12:39pm
#malakas ang pananalig ko na basta minimum ang pamasahe, ibig-sabihin, pwedeng lakarin.
At yun na nga ang ginagawa ko.

Basta minimum, LAKARIN! ;)

*kuya, mga ilang minutes lakarin mula dito sa bahay hanggang SM? -minsan tanong ko sa kuya ko.

Mahilig sa adventures si kuya.

Umaakyat ng bundok.

Nagba-bike kung saan-saan...

At madalas namin bonding, documentaries about wildlife and Earth kundi man history and politics.

Magka-iba kami ng pananaw tungkol sa nuclear energy. ;)

"para sa akin, 30mins. Brisk walker kasi ako." -sagot ni kuya.

*sa isip.

Kung 30mins yun para kay kuya na brisk-walker, malamang, mga 1hr or more yun para sa akin.
Hindi naman kasi ako mabilis malakad.

*owkei! ;)
pwedeng pwede!

#isang araw, sa lakas ng sapi ko...

Napagpasyahan kong lakarin mula sa amin hanggang sm.

*timer...
Starts...

NOW!

habang naglalakad ako,
ilang jeep din ang lumagpas sa akin.
May ilan na sinisigawan pa ako ng mga driver or backride na sumakay na.

Kapag ngumingiti ako at sinasabing, "ah, hindi po ako sasakay. Salamat."

titingnan nila ako na parang ako ang pinaka-insane na tao sa mundo.

At ang mga pasahero, sinusundan ako ng tingin.

Sa kanilang mga titig, aking nababasa: "there must be something wrong with her..."

sa isip ko, "hehe.. ;)".

51mins and 36secs.

Tadadan!

Hindi ako lumampas sa 1 oras.

Yeah boy! ;)

#narating ang nais patunguhan.

Napatunayan ang nais patunayan.

#kapag minimum ang pamasahe,

super pwedeng lakarin!

Pero, kung naka-japorms ka, super hindi pwede.

Kung maarte ka, mas super hindi pwede!

At kung wala kang interes sa mga bagay na pwede mong mapulot sa paglalakad, mas lalong lalong lalong super hindi pwede!

Hahahahahahahahaha!!!

*ang dusing ng paa ko, nakakatuwa.
Dama ko ang lupon ng mga tiyanak sa loob ng ilong ko. Kombinasyon ng natural na sipon, alikabok, at usok.

Ummmm... Nutrients! ;)

hindi ako pumasok sa loob ng mall.
Umupo lang ako sa hagdan sa may entrance. Naisip ko, bakit may malls?

Hmmmm...
Another created need.

Kayang kaya na talagang gumawa ng mga tao ng mga pangangailangan na hindi naman talaga kailangan...

Social conditioning.

Ilang years din akong bulag sa katotohanan.

Nung unang panahon, nilalakad ng mga tao ang mga kontinente.

Parang gusto ko yon gawin ngayon.

#wala nang end sa talents ng tao. Kahit imposible, nagagawa na.

Kapag ginawa mo ang basics, ikaw na ang baliw.

Olrayt!;)

hmmmmmm...

Parang kailan lang, andaming ma puno sa lugar na to.
Naaalala ko pa nung bata ako...
Nung panahon na ang pinaka-malapit na mall ay ang sm cubao.
Tong kinauupuan ko, puro ibon dito.
At malamig ang hangin.

Ngayon, yung mga ibon, sa mga billboards na dumadapo kapag oras na ng pagtulog nila.

Nakaka-awa. ;(

sa harap ko, dati, puro puno ang nakatayo at kumakaway...

Ngayon, bakal na ang mga nakatirik.

May paalala na malapit nang matapos ang pinaka-hihintay ng lahat.

Isa nanamang mall.

Excited na ang mga taong masilayan ang bagong tambayan.
Ang bagong bisyo.
Ang bagong pampawala ng boredom.

Ang bagong created need.

Saklap.


#haaaaaaaaay...

Hindi ko alam kung sadya akong out of place.

Parang ipinanganak ako sa maling panahon.

*pahinga konti.

Bumili ako ng all-on-sticks combo.

2 malaking kikiam.
2 squid/ chicken balls.
2 fishball.

10 pesos.

Sabay malamig na buko juice.

#ah... This is life!

#napukaw ang pansin ko ng isang taong grasa na naglalakad-lakad.

Huminto sya, para tingnan ang lupon ng mga ibon na naglalambaras sa kawad ng kuryente.

#napa-iling-iling.

*mukhang pareho kami ng saloobin.

Bimili ulit ako ng combo. Take out.

Sinundan si manong taong grasa...

#kinakausap ang sarili.

"panay-panay tayo ng mga malalaking bahay! Wala nang bahay mga ibon! Mga dimonyo!" -sabay pulot ng tinapay na mga 10 years na atang nasa kalsada.


"manong! Manong! Wag nyo po kainin yan!" -pigil ko.

"bakit?sayo ba to?"

"ay, hindi po. Pero, ito po, may pagkain ako, ito nalang po kainin nyo."

tinanggap naman nya.
Walang pasalamat.

Saan po kayo pupunta?

*napangiwi ng mapaso ng mainit na kikiam.

"a-hit aan!"

hipan nyo po muna, para hindi po kayo mapaso. Inum po kayo oh,...

Abot ng buko.

Walang salamat.

"kahit saan."

pwede po ba akong sumabay?

*mapanuring tingin.

#first time kong madanas na tingnan ng isang tao na walang tino sa pagiisip na tila ako isang tao na walang tino sa pagiisip.

#ahaaay. ;]

"bakit? Wala ka bang bahay?"

ah, meron po.

"may gusto ka ba sa akin?"

#patay.

"pupunta ako sa dulo ng walang hanggan. Maghahanap ako ng ginto para yumaman."

#naglakad na kami.

*hawak ang baso ng fishball at plastik ng buko sa kaliwang kamay, at tangan ang stick sa kanan...
Sa gitna ng pagkain...

"kapag yumaman ako, papagiba ko lahat ng batong yan! (malls)..."

"sila ang nagpapasok ng kadimonyohan sa isip ng mga tao!"

"daming nagdudukot! Mga magnanakaw!"

*subo. Nguya. Inum.

"nilayasan ako ng asawa ko dahil wala akong yaman pambili ng magagarang damit at alahas! Ipinagpalit ako sa mayamang lalake! Mga hayup!"

*subo. Nguya. Inum.

#ubos.

*dighay.

"sino ka?"

lyka po pangalan ko.

"bakit mo ako sinusundan?
Wala na akong kotse."

ah, ahm... Nagbabaka-sakali lang po na baka may matutunan.

"gusto mong iduscuss ko kung paano gumagana ang mata ng tao?"

po?

*discuss.

*tulala ako.

"anu pang gusto mong malaman?"

ano pong pangalan nyo?

"iniwan na ako ng pangalan ko. Tawag nila sa akin, baliw."

anu pong tawag sa inyo ng asawa nyo dati?

"ben."

mang ben. Bago po kayo naging ganito. Ahm, ano po ba kayo dati?

*tumingin.

"maniniwala ka ba kung sasabihin ko? O tulad nila, sasabihin mo ring baliw ako?"

ano po kayo dati, mang ben?

"doktor."

*katahimikan.

"bakit hindi ka natawa?"

ano po bang nakakatawa don?

"pinagtatawanan ako ng mga tao kapag sinasabi kong dati akong doktor."

kung doktor po kayo dati, hindi ko po kayo dapat pagtawanan.

"eh pano kung hindi?"

ganun din po.

"baliw ka ba?"

#first time kong madanas na tanungin ako ng isang taong tinuturing na baliw kung baliw ba ako.

Hindi ko po alam.

Parte po ako ng henerasyon ngayon na sumasamba sa mga bagay na gawa ng makabagong panahon.

Hindi ko po alam kung ano na ang baliw.

"nakiki-ayon ka sa paligid dahil sa yun ang napapanahon? Baliw ka nga."

#patay.

*katahimikan.

Binabagtas na namin ang daan pauwi sa amin. Sa tantsa ko'y nasa kalahati na kami.

Bawat dumaraang sasakyan ay hindi pansin.

Umuulan ng mapanuring mga tingin at pangmamata.

Mga tanong na hindi ko kailangan sagutin.

Mga panghuhusgang hindi ko kailangan indahin.

Manong Ben, matagal na po ba kayong ganito? hindi po ba kayo napapagod?

"matagal na. Hindi na ako nakakaramdam ng pagod."

wala po ba kayong bahay? Saan po ba kayo nakatira dati?

"may bahay ako. At pamilya. Pero, tinalikuran na nila ako.

Akin ang buong Pilipinas. Pilipino ako at saan man sulok ng Pilipinas ay pwede kong tawaging tahanan."

paano po kapag bumabagyo, o mainit, o gabing malamig? Saan po kayo tumutuloy?

"hindi ako takot sa panahon. Ang panahon ay pauli-ulit sa pagbabago. Kung uulan ngayon, bukas aaraw. Mas baliw ang panahon kesa sa akin. Hindi ba dapat sya ang matakot sa kanyang kalagayan? Hindi sya stable."

*hindi naiwasang ngumiti.

"bakit ang puti mo? Amerikano ka ba?"

hindi po. Pilipino po ako.

"pareho pala tayo."

opo.

"mayaman ka ba?"

naku, hindi po. Tamang sapat na pamumuhay lang po.

"may pamilya ka?"

opo. Papa at mama ko po. At mga kapatid ko. At mga pamangkin ko.

"asawa, anak?"

ah, wala pa po. Bata pa po ako.

"wag ka magaasawa ng babaeng mukhang pera."

opo. Hindi po ako magaasawa ng babae. Bawal po yun sa batas.
At opo, hindi po ako magaasawa ng mukhang pera.

"maging mabuti kang anak, kapatid at tita. Hindi mo hawak ang mundo sa palad mo. Kaya habang may pagkakataon ka, maging mabuti kang tao."

opo.



October 30, 2012 at 11:28am

#it is a rare opportunity to find someone who can fill every moment with a conversation filled with sense. - even in silence.

maraming hakbang din ang ginugol namin ni mang ben.

may kibo o wala, may kung anung saya ang dumapo sa aking puso.

maraming beses na akong nakipag-usap sa iba't-ibang tao.

complete strangers kahit pa may silent rule na: "DON'T TALK TO STRANGERS!!"

sige na, out law na ako.

minsan nadin akong nakipag-kwentuhan sa def-mute. -yun masaya din yun.

pero iba talaga si mang ben.

naalala ko si super friend ko...

yung tipong kahit hindi sya magsalita, basta, andyan sya, happy ko.

ganun yung feeling ko with mang ben.

malapit na kami sa lugar namin.

nalakad namin ang distansya ng hindiko napapansin.

walang pagod.

walang bahid ng pagka-pagal.

ganito pala yung pakiramdam.

#lalampas ako, sigurado.

at lumampas nga ako. -sadya.

#ito siguro yung feeling nung mga teenagers na kasabay umuuwi yung mga crush nila nung high school.
mas pinipili nila ang LONG CUT para ma-savor ang moment.

*hindi na ako highschool.
*hindi na teenager.
*at mas lalo namang hindi ko crush si mang ben.

sa palagay ko, happy lang talaga ako sa moment.

manong, nagugutom na po ba kayo?

*medyo madilim na.

oo. bakit? gutom ka din ba?
wala akong pagkain.

ah, hindi naman po...
gusto nyo po ba kumain?

oo. sino bang may ayaw kumain?

tara po, kain tayo.

wala akong pera.

ayos lang po. ako nang bahala.

akala ko ba, hindi ka mayaman?

hindi nga po. pero, hindi ko naman po sinabing wala akong pera.

kung may pera ka, bakit ka naglakad?

mahilig po akong maglakad.
at mag....
well... maglakad.

may pera ka, pero naglalakad ka?

kaya naman pong lakarin. kaya nilalakad ko.

akala ko, ako lang ang baliw.
mas baliw kapala sa akin.

#toinks!

bagoko ilibre si mang ben,batid ko na mahabang panahon na syang nagiisa.
walang bahay na masisilungan,
walang anak na yayakap.
walang asawa na maglalambing.
at matagal na syang hindi nakakatikim ng totoong pagkain.

kaya bago kami kumain, tinanong ko muna ang bagong kaibigan:

ano pong gusto  nyong kainin mang ben?

*matagal na pagiisip.

kahit ano!

sa tagal ng pagiisip nya, yun lang ang naisagot nya.

#kahit ano.

ahm... walapo ba kayong gustong kainin?
yung tipong pagkain na gustong gusto nyong tikman?

*matagal na pagiisip.

wala.
kahit anong pagkain, basta pwedeng kainin, ayos na.

#sa tagal ng panahon na inilagi sa kanyang kalagayan, marahil, nakalimutan na nya ang konsepto ng  WANTS.

napagpasyahan kong gawing masaya ang araw.

napagpasyahang ilibre si mang ben sa masayahing bubuyog.

#discrimination!

hindi pinapasok si mang ben sa masayahing bubuyog dahil sa kanyang hitsura.

business is business.
wala akong magagawa.

mang ben, hintayin nyo nalang po ako dito ha?
bibili lang po ako ng kakainin natin.

hindi um-oo. pero umupo ang aking kaibigan sa step ng store.
at pumasok na ako sa loob para um-order.

1 2pc chicken +extra rice large drink
1 spaghetti meal large drink
2 large fries
2 peach-mango pie
2 black forest na sundae.


#it's a feast!!!

paglabas ko'y nakita kong tahimik na nakatitig si mang ben sa manong na nagtitinda ng mga lobo.
yung malalaking mukha nila DORA, SPONGE BOB, PATRICK AT BEN 10.

gusto nyo po ba ng lobo?

*walang tugon.

ibinaba ko ang pinamiling fiesta, at akmang lalapit na sa manong na nagtitinda ng lobo nang...

yung pang babae.

#DORA HEAD APPROACHING!

BAMONOS!!!

iniabot kay mang ben ang lobo.

tara, manong...
kain na po tayo.
umupo sa lapag na kinauupuan ng kaibigan.
iniayos ang "hapag".

kain na po!

#DORA.

sino tong batang to?

ah, si dora po yan.
yan po yung usong cartoons sa mga bata ngayon.
nagtuturo po sya ng spanish.
at kumakanta.
marami po syang friends.

favorite ko dun si GRUMPY OLD TROLL who lives under a bridge. (parang gusto ko pa kantahin.)

aaah...

kain na po.

tiningnan ako ni mang ben na tila ayaw kumain.
ayaw bitawan si DORA.

naglaro ang imahinasyon ko:

#LET GO,MANONG! LET GO!
HEY KIDS, YOU TELL MANONG TO LET GO OF ME AND EAT HIS FOOD!
LET'S DO IT! YOU CAN LEAD THE WAY... HEY HEY!

hinawakan ang lobo sa kanyang kaliwang kamay at akmang kakain gamit ang kanan.

amina po.

itinali ko ang lobo sa plastik ng anik-anik na lagi nyang dala.

wag po kayong mag-alala. hindi po yan lilipad.

panatag.

kumain ng matiwasay.

masarappo ba?

#tingin kay dora.

ah,manong ben, focus po muna kayo sa pagkain.
hindi po aalis si dora. maniwala po kayo.
wala syang map. kaya hindi sya makaka-alis.

panatag.
kumain.

pwede ko bang tikman yan?

turo sa spaghetti.

ay,opo naman. ito po, share tayo.

kumain ng kumain.
nagpaka-busog.

masarap po ba?

lahat ng pagkain, masarap.

wala akong karapatang maging maselan.

lahat ng pagkain ay biyaya.
wala sa akin kung masarap o hindi.
kung mahal o hindi.
basta, iisa lang ang tingin ko sa mga pagkain.

#BIYAYA.

*napaisip.
*totoo ang sinabi ng kaibigan.

bakit nga ba ayaw ng mga tao ang NFA?
at nagbubuhos ng yaman para sa JASMINE.

kapag nadigest yon,
pareho naman siguro yon ng amoy at hitsura kapag inilabas na ng tao.

i mean, matutukoy mo pa ba ang kaibahan ng NFAat JASMINE kapag OUTPUT na ito?
masasabi mo bang "ay, ayang output na yan ay NFA. ewwww..." o kaya naman "excuse me,my output is JASMINE. duh!"

#sa palagay ko, hindi mo naman yun magagawa.

#DORA.

natapos kumain.
binalikan ni mang ben si dora.

*katahimikan.

hindi ko pa nabilhan ng lobo ang anak ko.
sa pagay mo, magugustuhan nya yan?

ah... lahat po ata ng bata, natutuwa kay dora.
pero, sa palagay ko, hindi sya magandang impluwensya.
kasi, kung saan saan po sya pumupunta.
hindi po ata sya nababantayan ng nanay nya.

#katy.

magugustuhan mo kaya ang lobo?

ilang taon na po ba si katy?

limang taon sya nung huli ko syang makita.
nakulong ako.

ilang taon po kayo nakulong?

labing-dalawang birthdayko.

(5+12 = 17)

ilang taon na po kayong laya?

tiningnan ang mga daliri sa kamay.

mukhang kulang. dahil tiningnan rin ang mga daliri sa paa.

(5+12=17 + not sure = not sure. but sure, it's been a very long time)

hindi ko alam kung paano sasabihin kay mang ben na baka hindi na magustuhan ni katy ang lobo.
pero, kung su-swertehin, baka magustuhan ng anak ni katy si dora.

manong ben, nung lumaya kayo, naisip nyo po ba umuwi?

wala yung bahay namin don.
wala na yung asawa ko.

may asawa na raw iba.

may kung anong sakit sa huling sinabi.

nahagip ng tingin ko ang luhang pumatak at tumatak sa gilid ng mga mata at pisngi ni mang ben.

#DORA.

lagot ka.pina-iyak mo si mang ben...

sana, sinabi nya sa akin ang problema.
sana, sinabi nya nalang na ayaw na nya sa akin.
handa akong magtrabaho ng masigasig para may pambili sya ng mga gusto nya.
sana, nakatapos ng kolehiyo so katy.
sana, hindi sya binubugbog ng bago nyang asawa.
sana, hindi ako ganito.

#DORA.

hindi ko akalaing kaya mong magsiklab ng apoy na dati nang naapula.

wala po ba kayong kamag-anak?

ayaw nila sa   kriminal.
ikinahihiya ako ng mga kapatid ko.
at takot sa akin ang mga pamangkin ko.
pinagdidirihan ako ng lahat.

paano po kung may naghahanap sa inyo?

walang maghahanap sa tulad ko.

pwede ko po kayong tulungan.

sabihin nyo lang po sa akin kung paano.

gusto kong makita si katy.

ano po bang buong pangalan nya?
 katy perez.

saan po ba kayo nakatira dati?

sa bulacan.

anu pong pangalan ng dati nyong asawa?

#tiningnan ako.

blangko.

tawa.

hahahahahahahahahahahahaha!!!

*taka.

manong ben, bakit po?

manloloko yung babaeng yun!
bakit ko kailangan tandaan ang pangalan ng babaeng manloloko?

mang ben, hindi ko po kayo matutulungan maka-uwi sa pamilya nyo kung hindi ko po makukuha lahat ng detalyeng kailangan.

hindi ko kailangan ang tulong mo.

alam ko kung nasan si katy.

pati ang magaling nyang ina.

bakit hindi nyo po sila kausapin?

sa tingin mo, makikipag-usap sila sa akin?

sa buhay, minsan ka lang maka-gawa ng dungis nadulot ng iba, itatakwil ka na na tila ka may nakakahawang sakit.
sa tingin mo, tatanggapin pa nila ako?
kung noon na abogado ako,
iniwan ako ng asawako.
ngayon pa ba niya ako mamahalin?

*gulo.

teka, mang ben, akala ko po ba, doktor kayo dati?

doktor ako nung malaya ako.

abogado ako ng aking sarili nang makulong ako.

#patay.

mang ben, tatanungin ko po kayo ng mahusay.
gusto nyo po bang umuwi?

#kung hindi ka baliw. bakit tanong ka ng tanong sa taong baliw ng kung ano-ano? at umaasa ka ng mahusay na sagot sa mahusay mong tanong?
baliw ka nga.

#toinks.

may kani-kaniya tayong paniniwala.
baliw ang tingin sa akin ng mundo.
pinangingilagan, kinatatakutan, pinandidirihan at kinukutya ako ng mga tao.
baliw ang tawag sa akin.
nakulong ako sa rehas ng maling paniniwala noon.
nabulok sa bulag na pagmamahal sa babaeng salawahan.
hindi naging mabuting ama sa aking anak.

ang tahanan ko ay hindi naging tahanan kahit kailan.
sinundan ako ng bulok na politika saan man ako nagpunta.
nakapanakit ng tao dahil nahuli ko ang aking asawa na may kasamang iba.
sila na nangloko sa akin ay mga inosente.
at ako na naloko ay kriminal.

nakulong ako sa rehas na inakalang hindi ko na malalampasan.
nang makalaya'y muling nakulong sa rehas ng panghuhusga ng mundo.
hindi aral ang lahatng tao ng law. pero, judge lahat ng tao.
paano yun nangyari?

kapag umulan, sisilong sa katiting basilungan.
at itataboy ng mga tao.
ayaw nila sa mabahong tao.
pero yumayakap sila sa mababangong aso.

kakaunting barya,minsan kong hiningi.
ngunit dinanas ko rin na paglaruan kapalit ng pisong pambili ng tubig.

nanlimos ng awa.
umani ng mapangutyang tingin.
wala ni kapirasong tabing sa katawan,
ni isa'y walang mag abot ng damit.

may iilan, na tunay na naaawa.
inaabutan ako ng tira-tirang biyaya.
minsan, damit.
na aking iniipon dito sa aking plastik na lagayan.

paabot-abot ng kung ano-ano.
na minsan ay hindi ko naman kailangan.

bibihira ang taong umuupo malapit sa akin.
hindi nila kayang maki-bahagi sa aking mundo.

wala akong ibang pagkaka-kilanlan.
tatlo ang aking pangalan.

baliw.
taong grasa.
at palaboy.

akala ng lahat ay wala akong tahanan.
hindi nila batid na napaka-laki ng bahay ko kung tutuusin.
dahil akin ang buong mundo.
biyaya ito ng panginoon na kailangan kong ingatan.

kawawa ang tingin nila sa akin.
ako.
ako na tinatamasa ang tunay na kalayaan mula sa sistemang likha ng tao.

sino ba ang tunay na bilanggo?

ako ba, na walang kailanagn sundin?
o kayo na ang bawat kilos at bawat anyo'y kailangan i-ayon sa kung ano ang dapat?

ano ba ang tao para manghusga?

lahat tayo ay lalang ng Diyos.
ikaw.
sila.
ako.

pare-pareho tayo.

wala akong pera sa aking bulsa.
pero tangan ko ay napaka-raming aral na dulot ng taon-taong karanasan.

mabubuti at masasamang alaala.

na kailan ma'y hindi mawawala.

mga aral na habang buhay kong tangan.

hanggang sa aking pagpikit.

 #inililipad-lipad ng manipis na hangin si DORA.

hindi ko akalaing sa taong itinuturing na baliw makukuha ang tunay na aral na aking hinahanap mula ng tumapak ako sa paaralan.

buhay.

elementary.
highschool.
college.
masteral.
doctorate.

anong masasabi nyo sa aral na nasa loob ng isipan ng mang ben?



================================================================================

#umuwi ng bahay.
naglinis ng katawan.
pahinga.

napaka-kapal ng kalyo ng aking mga paa.

pero, hinding hindi ako magpapa-foot spa.

hinding hindi ko buburahin ang tanda ng isang hapon
na kasama ang aking kaibigan at ang kanyang mga aral.


=================================================================================

mang ben...
ituloy mo ang buhay bilang isang taong malaya.

sana, makasama kita ulit sa isang hapon ng paglalakad. ;)

No comments:

Post a Comment